Sunday, February 27, 2011

Pagtakas. Pag-iwas. Paglaya

Naisip mo na rin bang magpakamatay?

Naitanong mo na ba sa sarili mo kung masakit nga ba sa lalamunan ang Muriatic Acid? O kung lalawit nga ba ang dila mo sa paghigpit ng lubid? Maganda ka pa kayang tingnan sa iyong kabaong kung sakaling pagtihulog sa ika-pitong palapag ang makababasag ng bungo mo? O di kaya’y bigyang tuldok ng balang kriminal ang pintig ng iyong puso?

Aray! Kaysakit nga siguro. Pero ano ba naman ang sakit ng mga paraang ito kumpara sa pait at pighati sa loob ng mundong ginagalawan mo.

Ilang segundo…

Ilang minuto…

pagkatapos…

blanko.

Pagtakas. Pag-iwas. Paglaya.

Sino nga ba ang ayaw lumaya? Ang pagtakas ang pinakamainam na estado matapos ang dagok at sakit na damdam ng pagkatao. Ang pag-iwas sa ibinabatong putik ay sadyang mainam din na paraan. Ang paglaya mula sa walang katulad na pait ng luha ang hangad ng bawat nilalang. Saad nga ng isang awit ng bayan, “Ibon mang may layang lumipad, kulungin mo at umiiyak”…

Siyanga.

Sa tindi ng dahas ng mapag-imbot mong paligid, nunukal ng kusa sa puso mo ang kagustuhang makaalpas. Ang kaibuturan ng puso, kapag pumalaot sa pinakamalamig na lungkot ay kayang magnais na huminto sa pagtibok. At sa puntong ito magsisimula ang pagwawakas ng iyong pag-iral ngunit siyang magiging dahilan ng walang hanggang hirap ng kalooban ng iyong mga iiwanan.

Sabi nila, ang buhay ay isang gulong. Minsan masaya, minsan malungkot. Ang ilan nama’y naniniwalang ang buhay ay parang rosaryong kay haba at puno ng misteryo. Samantalang ang ila’y tila naniniwalang ang buhay ay nakabatay sa awa ng Poong dinadasalan mo.

Makailang beses mong nilabanan ang dyablo ng iyong nakaraan. Ilang ulit kang nagpumiglas na huwag masaling ng kirot at pagdaramdam. Umalpas ka at pumiglas ngunit wala ng natitirang lakas. Hinugot at inubos na ng kawalan pati na ang huli mong pahimakas.

Ang pagkitil ay labag sa mata ng Diyos ayon sa ikalimang utos. Ngunit ang masakit na paghamon sa iyong katinuan ng tila-impyernong mundo mo ang siyang unang hakbang tungo sa inaakalang panandaliang pagtakas. Sa pagkagapos ng bisig sa tanikalang masakit, nunuot sa iyong katauhan ang katagang “Tama na. Ayoko na. Nais ko ng lumaya.” Malilimot ng katiting na konsensya ang katwirang eklesyal na nagsasabing sa “mainit na pugon” magpapatuloy ang iyong kalbaryo. Malilimot ng pira-pirasong puso ang katwirang mayroon pa… mayroon pang pag-asa…

At sa huli, sa marmol mong lapida na sinlamig ng bawat gabing pagluha ng iyong Ama masusulat ang dalawang petsang ikaw at ikaw lamang ang may akda. Mauukit ang petsa ng iyong unang pagngiti sa Haring araw at ang huling pagpikit sa gimbal na liwanag. At sa pagitan ng dalawang petsang iyon ay ang isang maliit na guhit na piping saksi sa buhay na minsan mong itinangi.

Pagtakas. Pag-iwas. Paglaya

Ang paraan ay marami ngunit ang hantunga’y mananatili.